
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Ibinahagi ng National Food Authority (NFA) ang mga parameters o pamantayan sa mga bibilhing palay ngayong darating na anihan sa ginanap na Farmer’s Grand Ugnayan sa San Jose kahapon, Setyembre 16.
Ang Farmer’s Grand Ugnayan ay pakikipagdayalogo ng NFA sa mga magsasaka ng lalawigan kung saan tinutugunan ang kanilang mga katanungan at usapin para sa mas produktibo at magandang ugnayan sa ahensya.
Ayon kay Robert Jerome Osano, Acting Branch Quality Assurance Officer, bibili ang NFA ng mga palay na may moisture content na 14.0 pababa, na aniya ay tamang pagkatuyo ng palay upang maiimbak ito ng matagal sa mga bodega ng NFA.
Nasa pamantayan din ng NFA na maaari silang tumanggap ng basang palay kung sakaling may drying capability ang kanilang tanggapan sa Occidental Mindoro. “Ngunit sa ngayon ay walang drying facility ang NFA natin dito,” paglalahad ni Osano.
Ibinahagi din ni Osano ang mga ikinukunsidera sa pagsusuri at klasipikasyon ng palay, at nangunguna nga ay ang moisture content (MC). Aniya, bago ibenta ng magsasaka ang palay sa NFA, maari munang patingnan ang MC nito sa kanilang warehouse kung saan makatitiyak na calibrated ang mga moisture meters at magbibigay ng tamang reading. Sakali namang higit 14.0 ang MC, kailangan muna itong patuyuin pang muli dahil ang palay na naiimbak na mataas ang MC, ani Osano, ay maaaring madurog o/at manilaw lalo na kung masyadong matagal mananatili sa imbakan.
Kasama din sa itinakdang parameters ang purity level, kulay, at kung infested ang butil.
Ayon kay Osano, ang mga dinadalang palay sa NFA ay dapat walang mga dumi o anumang foreign matter katulad ng ipa o rice hull, mga bato at iba pang matitigas na bagay, rice straw, at buto ng mga damo. Tinitingnan din ang kulay at kung may mga sirang butil; ang nagkukulay-berdeng palay aniya ay senyales na magiging chalky grain ito o malagkit.
Dagdag pa ng Quality Assurance Officer, dapat matiyak din na hindi infested ang palay dahil pagmumulan ito ng bukbok, na isa aniya sa mga dahilan ng mababang milling recovery ng bigas ng NFA.
Sa huli ay nagpaalala si Osano sa mga magsasakang dumalo sa Grand Ugnayan na susi sa maganda at mataas na kalidad na palay ang pag-iingat sa nasabing butil simula sa pagtatanim nito hanggang sa pagbebenta sa NFA. (VND/PIA MIMAROPA)