LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Kinilala ng Quezon City Government ang mga natatanging barangay sa lungsod na nagpamalas ng tapat at malinis na pamamahala sa selebrasyon ng 27th Quezon City Barangay Day sa Quezon Memorial Circle.
Itinanghal bilang Dangal ng Lungsod o barangay na nakamit ang pinakamataas na grado base sa assessment ng QC Barangay Seal of Good Housekeeping validation team at TWG ang Barangay Commonwealth at Batasan Hills.
Ang Barangay Commonwealth ay Hall of Famer na rin, o tatlong magkakasunod na beses nang nananalo ng parangal.
Mismong sina Mayor Joy Belmonte, Sen. Imee Marcos, at Vice Mayor Gian Sotto, ang nagbigay ng pagkilala sa dalawang napiling barangay.
Kinilala din ng Pamahalaang Lungsod ang mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya tulad ng Best Lupon Tagapamayapa, Best in Legislative Services, Best in Barangay Ease of Doing Business, Innovator of Best Practice, Best in Road Clearing, Best in COVID-19 Response, Best in BHERT Functionality, Best in Barangay-Based Institutions, Best in Nutrition, at Good Financial Housekeeping.
Ang Quezon City Barangay Day ay isinasagawa sa bisa ng City Ordinance 280-1995 na nagpapahalaga sa gampanin at kontribusyon ng mga barangay sa pag-unlad ng lungsod at paghahatid ng mga serbisyo para sa mga QCitizen.
Kasama rin sa mga dumalo sa programa sina District 5 Rep. PM Vargas, District 6 Rep. Marivic Co-Pilar, Department of Interior and Local Government Usec. Felicito Valmocina, DILG-QC Director Manny Borromeo, Barangay and Community Relations Department Head Ricky Corpuz, Liga ng mga Barangay President Coun. Freddy Roxas, City Attorney Niño Casimiro, at Action Officers ng anim na distrito ng QC. (QC PAISD/PIA-NCR)