
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Apat na Marine Protected Areas (MPA) ang nagkamit ng Palawan MPAs Empowered Through Awards and Recognition to Enrich Marine Life (PEARL) Award na iginawad ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA).
Ang mga ito ay ang Siete Pecados Marine Park na kinilala bilang Best Managed MPA na pinagkalooban ng P50,000.00 na cash prize at plake. Itinanghal naman na Best Emerging MPA ang San Jose MPA habang Best Community Managed MPA ang Balisungan MPA at Best Locally Managed MPA ang Bulalacao MPA kung saan ang mga ito ay tumanggap ng tig-P30,000.00 na cash prize at plake.
Ang naturang mga MPA ay pawang matatagpuan sa bayan ng Coron.
Iginawad sa mga ito ang pagkilala kasabay ng isinagawang dalawang araw na 2nd Palawan Marine Protected Area (MPA) Summit 2022 kamakailan sa A&A Plaza Hotel sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Pinagkalooban din ng special awards ang Tumarbong Marine Protected Area sa bayan ng Roxas at Calamianes Group of Islands MPA Network. Ang mga ito ay kapwa tumanggap ng tig-P15,000.00 na cash prize at certificate.
Ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Romeo M. Cabungcal, layunin ng pagkakaloob ng parangal na ito na kilalanin ang maayos na pamamahala partikular ng mga marine protected area managers, pamunuan ng mga barangay, lokal na pamahalaan gayundin ng iba't-ibang organisasyon sa pagkalinga at pagpapanatili ng kaayusan sa mga coastal at marine environment sa lalawigan.
Ang PEARL Award ay iginagawad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang mapalalakas ang moral ng mga MPA at maging inspirasyon na lalo pang pag-ibayuhin ang epektibong pangangasiwa ng kanilang nasasakupan.
Ayon pa kay Dr. Cabungcal, sa kasalukuyan ay nasa mahigit 175 MPAs mayroon ang lalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)