LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Mayroon nang bagong trading post ang lungsod ng Kidapawan matapos itong iturn-over ng Department of Agriculture o DA XII nitong Miyerkules.
Ang ipinatayong pasilidad na magsisilbing food terminal ay pinondohan ng P3 milyon. Nagmula ang pondo sa DA samantalang nagsilbing equity ng pamahalaang panlungsod ang lupa kung saan itinayo ang pasilidad.
Kaugnay nito, umaasa si city mayor Paolo Evangelista na sa pamamagitan ng trading post ay mapalalakas pa ang mga hakbang para sa seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng pamumuhay ng mga magsasaka.
Pinasalamatan din nito ang DA sa pagbibigay ng proyekto na mapakikinabangan ng mga magsasaka sa lungsod.
Ani Evangelista, ang pasilidad ay malaking tulong upang maibenta ng tama at maayos ang produkto ng mga magsasaka lalo na at nakasentro sa agrikultura ang isa sa pangunahing pinagkakakitaan sa siyudad.
Ang trading post na matatagpuan sa Barangay Magsaysay ay patatakbuhin ng City Agriculture Office. (With reports from CMO-CIO)