LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Ang Lungsod Makati ang bagong cluster lead ng Disaster Cluster ng CityNet para sa susunod na apat na taon.
Ang CityNet ang pinakamalaking asosasyon ng urban stakeholders na nagsusulong ng sustainable development sa Asia Pacific region. Binubuo ito ng 173 siyudad at munisipalidad, NGOs, mga pribadong kumpanya at research centers.
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, nitong Setyembre ay nagpulong ang Disaster Cluster kung saan naging co-lead ang Makati sa nakaraang apat na taon.
"Bago pa mag-meeting ay nagpahiwatig na tayo ng ating interes na muling magsilbi sa Disaster Cluster at sa pamunuan ng CityNet. Pinalad din ang Makati na muling mahalal bilang Vice President ng CityNet para sa taong 2023-2026, kasama ang lungsod ng Kuala Lumpur, Malaysia," aniya.
Ayon sa alkalde, sa ginanap na 9th CityNet Congress sa Kuala Lumpur nitong Setyembre 20 hanggang 23, 2022, ay pormal nang inanunsyo ang mga bagong katungkulan ng Makati sa organisasyon. "Tayo rin ang President City ng CityNet National Cluster sa Pilipinas kung kaya naman dapat pang palakasin at palawakin ang mga programa para sa sustainability at pagbabahagi ng best practices natin tungkol sa disaster risk reduction and management sa ibang mga lokalidad."
"Pinu-push din natin na ma-certify bilang kauna-unahang Resilience Hub sa bansa at sa Southeast Asia (at ikalawa sa Asia-Pacific region) para magsilbing inspirasyon sa pagsusulong ng disaster risk reduction and climate action plans. Sa nakaraang mga taon, nagsilbing model city ang Makati sa ibang mga lungsod pagdating sa best practices sa disaster risk reduction and management, climate action, at sustainability," ani Mayor Abby.
"Madalas nating ibinabahagi sa mga international seminars at fora ang mga plano at mga hakbang na ating na-implement para maging tunay na resilient at sustainable. Tumutulong din tayo sa ibang mga lungsod para makapagsimula rin silang gumawa ng sarili nilang mga programa at plano para maging handa sa mga disaster at emergency. Hindi madaling gawin ang mga ito lalo na kung kulang sa kaalaman at suporta. Kaya naman nakaalalay ang CiyNet sa lahat ng miyembro nito para maging mas magaan at mabilis ang pagpapatupad ng mga pagbabago," dagdag pa niya.
"Mula sa lungsod ng Makati, nais naming magpasalamat sa CityNet sa patuloy na pagtitiwala sa ating kakayahang mamuno at maglingkod. Makaaasa po kayo na hindi lamang Makati ang magiging disaster-ready, sustainable at resilient, kundi maging ang mga kalapit-lungsod sa bansa at sa buong rehiyon." (PIA-NCR)