(Kuha mula sa Taguig FB page)
LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Epektibo simula Setyembre 20, 2022 sa ilalim ng Department of Education Order No. 37 (D.O. 37), narito ang mga bagong gabay sa kanselasyon o suspensyon ng klase at trabaho angkop sa mga pampublikong paaralan lamang, sa panahon ng bagyo, malakas na pag-ulan, pagbaha, lindol o power interruptions.
Base sa D.O. 37, na nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, sa panahon ng bagyo, ang mga klase mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa in-person at online, at trabaho ay awtomatikong kanselado sa mga paaralan na bahagi ng lokal na pamahalaan na may nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 hanggang 5 ayon sa PAGASA.
Gayundin ang klase at trabaho mula Kindergaten hanggang Grade 12 kung ang paaralan ay nasa lugar na malakas ang pag-ulan at may nakataas na Orange at Red Rainfall Warning ng PAGASA.
Samantala, kung ang TCWS, Orange at Red Rainfall Warning ay inilabas sa panahon na nagsimula na ang klase, kinakailangan ng agarang suspensyon mula sa paaralan at pauwiin ang lahat sa kani-kanilang mga bahay.
Sa panahon naman ng malubhang pagbaha, awtomatiko din ang kanselasyon ng klase sa in-person at online mula sa mga paaralan na kabilang sa lungsod na nakataas ang Flood Warning mula sa PAGASA.
Ayon sa DepEd, may kalayaang mag-anunsyo ng suspensyon ng klase ang mga Mayor o Local Chief Executive kung ang kanilang sinasakupan ay nakakaranas ng sakuna bagaman wala pang babala mula sa PAGASA.
Awtomatikong kanselasyon din ng mga klase sa in-person at online ang ipatutupad kung mayroong lindol o power outages.
Ito ay matutukoy kung ang paaralan ay nasa lugar kung saan nagdeklara ang Philippine Instittute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng earthquake intensity scale V o mas mataas pa.
Maaari ding magdesisyon ng kanselasyon ang Mayor o School Principal kung ang lugar ay nasa intensity scale IV o mas mababa, at kung sa pagtataya ay nakitaan ng posibleng panganib ng pagguho sa gusali o iba pang pasilidad sa paaralan.
Ang power outages o pag-brownout ay maaari ding maging dahilan ng pagdeklara ng kanselasyon ng klase kung ito ay nakaaapekto na sa pag-aaral ng mga estudyante.
Samantala, kung hindi ligtas ang paguwi o paglalakbay, obligasyon ng paaralan na panatilihin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at kawani sa loob ng gusali.
Ang D.O. 37 ay nilikha ng DepEd para sa agaran at napapanahong pagdedesisyon sa panahon ng kalamidad, upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral. (DEPED/PIA-NCR)