LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Anim na paaralan mula sa lungsod ng Cotabato ang nabigyan kamakailan ng laboratory apparatus tulad ng microscope at human torso model na nagkakahalaga ng P600,000 mula sa Ministry of Science and Technology ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOST-BARMM).
Kabilang sa mga benepisyaryong paaralan ay ang Cotabato City National High School (CCNHS) Main Campus, CCNHS Rojas-Site, Cotabato State University-Laboratory High School, Coland System Technology, Inc., Shariff Kabunsuan College, at Dr. P. Ocampo College.
Ang aktibidad ay isa sa mga flagship program ng ministry na layong matulungan ang mga mag-aaral at guro, kabilang ang capacity building para sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM) program sa pamamagitan ng pagbibigay ng laboratory apparatus sa piling paaralan sa rehiyon.
Sinabi ni MOST minister Aida Silongan na ang nasabing aktibidad ay ang patuloy na pagsisikap ng ministry upang suportahan ang mga mag-aaral at guro, lalo na sa mga malalayong lugar na may kaunting kagamitan at kapasidad.
Dagdag pa ni Silongan, kukumpletuhin ng ministry ngayong taon ang turn-over ng mga laboratory apparatus na nagkakahalaga ng P3 milyon para sa 30 paaralan sa rehiyon.
Samantala, nakatakda namang iturnover ang kaparehong kagamitan ngayong buwan para sa mga paaralan sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM. (With reports from MOST-BARMM).