LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Inaasahang magagamit na ng ilang magsasaka mula sa probinsya ng Maguindanao ang bagong gawang rice processing building na itinurnover ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM) kamakailan sa bayan ng Datu Paglas sa nasabing probinsya.
Ang Datu Paglas Farmer Irrigators Multi-purpose Cooperative ang siyang gagamit ng nasabing gusali na nagkakahalaga ng abot sa P8 milyon na pinondohan sa ilalim ng Bangsamoro Appropriation Act (BAA) 2020.
May lawak na 750 square meters ang nasabing pasilidad at mayroong storage capacity na 25,000 hanggang 30,000 sako ng bigas.
Binigyang-diin ni MAFAR Director Ismael Guiamel na ang gusali ay dapat pangalagaan at gamitin sa pag-iimbak ng mga inaning produktong pang-agrikultura.
Samantala, siniguro din ni Guiamel na handang tumulong ang pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng MAFAR sa lahat ng mga nangangailangang Bangsamoro upang mas maiangat pa ang kanilang pamumuhay.
Kaugnay pa rin dito, magpapatuloy naman ang pamamahagi ng MAFAR ng palay, mais, at high value crops seeds sa mahihirap na magsasaka sa nasabing bayan. (With reports from BIO-BARMM).