LUNGSOD MAYNILA (PIA) -- Binigyang-diin ni Department of Budget and Management Secretary (DBM) Amenah F. Pangandaman ang kahalagahan ng maayos na pamamahala sa pananalapi ng publiko upang matugunan ang mga layunin sa pag-unlad ng bansa upang mabawasan ang kahirapan.
Ginawa ni Pangandaman ang pahayag sa pagsisimula ng public financial management (PFM) learning sessions para sa Bangsamoro Transition Authority Committee on Finance, Budget, and Management Parliament Members na ginanap sa Marco Polo Hotel sa Lungsod ng Pasig.
“It is my personal dream to see a Bangsamoro Autonomous Region Muslim Mindanao that is thriving and a Mindanao that shines as the land of promise. (Pinapangarap kong makita ang isang Bangsamoro Autonomous Region Muslim Mindanao na umuunlad at isang Mindanao na nagniningning bilang lupang pangako),” pahayag ni Pangandaman, na nagmula rin sa isang maharlikang angkan ng Maranao sa Mindanao, habang binibigyang-diin ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng makabagong pamamaraan sa pananalapi tungo sa isang maunlad na Bangsamoro.
Binigyang-diin din ng Budget Chief na ang layunin ng Public Financial Management Competency Program (PFMCP) ay naaayon sa layunin ng pamahalaang nasyunal na tiyakin ang epektibo at mahusay na paghahatid ng mga pampublikong serbisyo sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga teknikal na kasanayan at kakayahan ng ating mga pampublikong tagapamahala sa pananalapi.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga eksperto sa paksa na nagpakita ng mga batayan ng PFM na may kaugnayan sa mga patakaran at pamamaraan ng lokal na kita, tulad ng mga prinsipyo sa lokal na pagbubuwis at pagpapanatili ng pananalapi, pagsasabatas sa badyet, pamamahala sa pananalapi ng lokal na pamahalaan, kawani at organisasyon, at proseso ng badyet kabilang ang Cash Budgeting System.
Kabilang rin sa mga dumalo ay ang mga bagong itinalagang miyembro ng Bangsamoro Parliament kasama sina Bangsamoro Transition Authority Parliament Speaker Atty. Pangalian Balindong, JICA Senior Representative G. Ebisawa Yo at Representative Ms. Yukiko Sano, at iba pang opisyal ng DBM. (DBM / PIA-Central)