CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao (PIA) -- Dahil sa pangamba sa kanilang buhay at kaligtasan, napagdesisyunan ng mag-asawang kasapi ng communist terrorist group (CTG) na iwaksi na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa gobyerno sa pamamagitan ng pagsuko sa tropa ng 5th Special Forces Battalion sa Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato.
Kinilala ang sumuko na si alyas Loloy, isang political instructor, kasapi ng Platoon Madrid ng South Regional Command Daguma habang kasama din nitong nagbalik-loob sa pamahalaan ang kanyang misis na si alyas Lalay na isang medic sa nasabing pangkat, kapwa sa ilalim ng Far South Mindanao Region ang dalawa.
Ayon kay Lieutenant Colonel Zandro Alvez, battalion commander ng 5th Special Forces Battalion, ang mag-asawa ay sumuko Lunes ng gabi, Oktubre 3.
“Isinuko din nila ang kanilang mga bitbit na armas na isang 5.56mm Colt M16A1, isang M14 rifle at mga magazine,” pahayag ni Col. Alvez.
Sinabi ni Brigadier General Pedro Balisi Jr., Brigade Commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade, na namulat na sa katotohanan ang mag-asawa at napagtanto nila na biktima lamang sila ng komunistang ideolohiya at panlilinlang bagay na iwinawaksi na nila ito ngayon.
Dahil dito, iginiit naman ni Major General Roy Galido, ang Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na unti-unting nagbubunga ang programang whole-of-nation approach kung saan pumapanig na ang mamamayan sa gobyernong may puso at malasakit. “Ako ay natutuwa dahil sa area ng Joint Task Force Central ay patuloy nating nawawasak ang armadong pakikibaka at napapalitan ng panatag at mas mapayapang pamayanan ang ating lugar,” pahayag pa ng Division Commander.
“Ang mag-asawa ay kabilang na ngayon sa 119 na mga communist terrorist group sa area ng Joint Task Force Central na mas pinili ang kapanatagan sa pag-iisip na malayo sa anumang kapahamakan at makapagsimula ng bagong buhay na angkop sa lipunang ginagalawan,” dagdag na wika ni MGen. Galido. Ang naturang bilang ay mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan. (with report from 6th Infantry Division, Philippine Army)