LUNGSOD NG COTABATO (PIA)-- Ibinahagi ni Senator Christopher Lawrence "Bong" Go na nakatakdang magtayo ng labindalawang 'super' health centers ang Department of Health (DOH) sa buong Rehiyon Dose, at apat sa probinsya ng North Cotabato.
“Twelve na super health stations ang ilalagay sa buong Region 12. Apat po dito sa probinsya ng North Cotabato sa iba’t ibang strategic na lugar. Ang super health center po ay medium version of a polyclinic and a bigger version of rural health unit. Mas maliit lang siya sa ospital para sa emergency cases,” sinabi ni Go
Dagdag pa ni Go na ang 'super' health center ay magsisilbing maliit na ospital para sa emergency cases na magbibigay ng pangunahing pangangailangan sa kalusugan kabilang ang laboratory, x-ray, ultrasound, birthing services, diagnostic, pharmacy, at iba pa.
Binigyang-diin din ni Go na malaking tulong ang nasabing center upang kaagad na magamot ang mga mahihirap na pasyente na nangangailangan ng agarang serbisyong medikal, lalong-lalo na sa mga malalayong lugar.
Kaugnay pa rin dito, abot sa 305 na mga 'super' health center naman ang inaasahang itatayo ngayong taon.