LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Itinaas ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) sa isang libo kada buwan ang cash incentive ng mga Barangay Health Worker (BHW) sa rehiyon.
Sinabi ni MOH BHW regional coordinator Anisa Matuan na sa tulong ng pamahalaan ng BARMM ay naging posible ang umento sa cash incentive ng mga BHW. Aniya, noong nakaraang taon ay P500 kada buwan lamang ang natatanggap ng mga BHW.
Ibinahagi rin ni Matuan na sa taong 2021 ay naglaan ng P32 milyon halaga ng insentibo ang MOH para sa 5,243 na BHWs sa BARMM, hindi kasama dito ang lungsod ng Cotabato at Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Ngayong taon, ayon kay Matuan ay dumoble ang budget sa P72 milyon para sa 6,000 BHWs sa rehiyon, kabilang ang SGA, datapwa't hindi kasama ang lungsod ng Cotabato.
Dagdag pa ni Matuan na ang nasabing cash incentive ay alinsunod sa Republic Act No. 7883 o ang batas na nagbibigay ng mga benepisyo at insentibo sa mga accredited BHWs. (With reports from MOH-BARMM).