LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Sa ginanap na Philippine Tourism Industry Convergence Reception nitong Lunes, Oktubre 17, na pinangunahan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (PBBM) sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay ay binigyang halaga ang malaking papel na gagampanan ng turismo sa muling pagbangon ng ekonomiya mula sa pandemya.
Ang aktibidad, na pinangunahan ng Department of Tourism (DOT) at ng kanilang kalihim na si Secretary Maria Esperanza Christina Frasco, ay nagbibigay hudyat ng muling pagsisimula ng pagtutulong-tulong ng iba’t ibang sektor sa mas lalo pang paglago ng turismo sa bansa.
Ipinaliwanag ni Frasco sa kanyang pagbabahagi sa nasabing aktibidad ang ilang mga pagbabago na naganap sa loob ng kanyang kagawaran simula nang siya ay maupo bilang kalihim na nagdulot ng maraming mga kwento ng tagumpay na nakapaloob sa unang 100 araw ng Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay Frasco, ang DOT ay kasalukuyan nang nakatutok sa pitong pangunahing layunin. Una rito, ang pagpapabuti ng mga imprastrakturang pang turismo at accessibility sa mga ito; Ikalawa, ang komprehensibong digitalisasyon at connectivity; Ikatlo, ang pagpapahusay sa pangkalahatang karanasan ng mga turista; Pang-apat, ang pagkaka pantay-pantay sa pagpapaunlad at promosyon ng mga produktong pang turismo; Panglima, ang pag diversify ng portfolio sa pamamagitan ng multidimensional na turismo; Ikaanim, ang pag-maximize sa domestikong turismo; At ang panghuli, ang pagpapalakas ng pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder.
Kasama ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ginanap ang tatlong groundbreaking ng mga Tourist Rest Areas (TRAs) sa iba’t ibang panig ng bansa nitong buwan lamang. Ayon kay Frasco, ang mga imprastrakturang ito ay magsisilbing tuluyan ng mga turista na mangangailangan ng malinis na banyo at lugar upang makapagpahinga sa pagitan ng kanilang mga paglalakbay. Ang mga TRA na ito ay gagamitan ng mga lokal na materyales at disenyo na tunay na magpapakilala sa tatak Pinoy.
Ang mga pasilidad na ito ay magkakaroon din ng mga information center at pasalubong centers na magpapakilala naman ng iba't ibang produktong ipinagmamalaking gawa sa Pilipinas.
Idinagdag din ni Frasco na lalo pang palalakasin ang pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng kanyang direktiba sa lahat ng mga regional office at attached agencies ng DOT na makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) sa loob ng kanilang nasasakupan upang magtatag ng isang malakas na pakikipagtulungan sa pagitan ng nasyunal at ng lokal na pamahalaan.
Matatandaang si Frasco ay nagsilbi ng tatlong termino bilang mayor ng Liloan, Cebu bago ang kanyang appointment bilang kalihim ng DOT.
“The tourism industry has long had enormous potential to fuel the engine of our country’s economic growth. Harnessed in the right way and in a manner that is inclusive sustainable, proactive and collaborative. We transform the industry so that it can rise to its full potential ready to pivot, to innovate, to prevail over the challenges of our time (Ang industriya ng turismo ay matagal nang may napakalaking potensyal na maging pangunahing mekanismo sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa. Lalo na kung gagamitin lamang ito sa tamang pamamaraan at sa paraang inklusibo, maagap at may pagtutulungan. Babaguhin natin ang industriyang ito upang mas maiangat pa ito sa buong potensyal nito na handang mag-pivot, mag-innovate, upang manaig sa mga hamon ng ating panahon),” ani Frasco.