SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Upang maiwasan ang posibleng pagkahawa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa pagdaraos ng Arawatan Festival ngayong Nobyembre 8-15, 2022, ipinapayo ng Provincial Health Office (PHO) na sumunod ang lahat sa public health protocols.
Ang Arawatan Festival ay selebrasyon ng Anibersaryo ng Pagkakatatag ng lalawigan at sa Nobyembre 15 ay ika-72 taon na ng pagkakatatag nito.
Sinabi ni Dr. Ma. Teresa Tan, Provicial Health Officer, inaasahan nila ang pagdagsa ng mga tao sa Kapitolyo gayundin sa mga lugar sa Mamburao na pagdarausan ng iba’t ibang aktibidad kaugnay ng Arawatan Festival. Aniya, hindi pa naman tapos ang pandemya sa bansa kaya dapat ay ituring pa rin ang mga ganitong pagtitipon na posibleng may hatid na banta ng COVID-19.
Isang hakbang na kinukonsidera ng PHO ang muling pagtatalaga ng mga bastonero o mga taong magpapaalala sa publiko ng public health standards tulad ng social distancing. “Ipapaalala rin ng mga bastonero sa mga umpukan ng tao na magsuot ng face mask,” ani Dr. Tan. Mabisa aniyang proteksyon ang pagsusuot ng face mask lalo na kung nasa enclosed setting, tulad ng Provincial Training Center, na madalas pagdausan ng mga aktibidad.
Bagama’t nasa Alert level 1 na ang Occ Mdo, hindi ito dahilan upang ipagsawalang-bahala ang panganib na hatid ng COVID-19. Paliwanag ng opisyal ng PHO, dahil nga nasa Alert level 1, hindi na humihingi ng SPASS bago makapasok ng probinsya, nangangahulugan na maaaring mas maraming local tourist ang darayo sa darating na Arawan Festival.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Tan na malaking tulong ang bakuna at booster shots laban sa COVID-19. Sa katunayan aniya, isa ito sa mga dahilan kung bakit halos wala na ang pinangangambahang sakit sa probinsya, at wala na rin silang nahahawakan na malubhang kaso ng COVID-19. Magkagayunman, patuloy na hinihimok ng PHO ang mga wala pang bakuna na magpaturok na at mag booster shot sakaling nakakuha na ng mga unang doses. Makipag-ugnayan lamang, aniya, sa Municipal Health Office para sa schedule ng bakunahan sa kanilang lugar.
Sa huling talaan ng PHO, meron na lamang 9 na aktibong kaso ng COVID-19 ang probinsya at ito ay nasa mga bayan ng Lubang (8 kaso) at San Jose (isang kaso). (VND/PIA MIMAROPA)