No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Palawan NIA-Irrigators Association Congress, isinagawa sa Puerto Princesa

Sinabi ni NIA-Palawan Irrigation Management Office Manager A engr. Fidel P. Martinez sa NIA-IA Congress na ang dugo at pawis ng mga magsasaka ay simbulo kung bakit hanggang ngayon, tayo at ang ating mga pamilya ay nakakakain at masisigla. (Larawan ni Orlan C. Jabagat)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isinagawa sa Lungsod ng Puerto Princesa ang Palawan NIA-Irrigators Association Congress nitong Oktubre 22, 2022.

Sa welcome remarks ni NIA-Palawan Irrigation Management Office Division Manager Engr. Fidel P. Martinez, sinabi nito na ang congress ay taunang isinasagawa ng ahensiya upang bigyan ng halaga at pagpupugay ang paghihirap, pagpapakahirap at pagsisikap ng mga magsasaka sa kabila ng mga hamon sa buhay.

Ani Engr. Martinez, ang nasabing pagtitipon ay isa ring pagdiriwang para sa mga magsasaka dahil sa laki ng kanilang naiambag at patuloy na maiaambag sa komunidad at ekonomiya.

“Ang seremonyang ito ay isang pagdiriwang para sa ating mga magsasaka dahil sa laki po ng kanilang naiambag at patuloy na maiaambag sa ating komunidad at ekonomiya. Nararapat po lamang na bigyan natin sila ng pagpupugay at halaga sa kanilang paghihirap, pagpapakahirap at pagsisikap sa kabila ng mga hamon sa buhay,” ang mensahe ni Engr. Martinez.

Sinabi pa nito na ang dugo at pawis ng mga magsasaka ay simbolo kung bakit hanggang ngayon, tayo at ang ating mga pamilya ay nakakakain at masisigla.

Naging isang malaking oportunidad naman ang pagdalo ng mga magsasaka sa congress dahil nabigyan ng kasagutan ang kanilang mga alintana patungkol sa mga proyektong pang-irigasyon at serbisyong patubig.

Tiniyak naman ng ahensiya ang mabilis na pagkilos at mabilis na pag-aksiyon sa mga hiling ng magsasaka.

“Sa administration pong ito, asahan po ninyo ang aming mabilis na pagkilos, na maaksiyunan ang inyong mga hiling at lagi po ninyong isaisip na mayroon po kayong NIA na masasandalan at mayroon pong NIA na gumagabay at handang tumulong sa inyo sa abot po ng aming makakaya,” ang pagtiyak na pahayag ni NIA-Palawan IMO Manager Engr. Martinez.

Ang NIA-IA Congress ay personal na dinaluhan ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny D. Antiporda. Kasama rin nito sa dumalo si NIA Regional Manager Engr. Ronilio M. Cervantes.

Tiniyak din ni NIA-Administrator Antiporda na gagawin nito ang lahat ng makakaya upang mabigyan ng solusyon ang mga problema ng mga magsasaka patungkol sa irigasyon.

Kasabay ng pagtitipong ito ay binigyan din ng NIA ng pagkilala ang labindalawang Irrigators Association (IA) bilang Outstanding IAs at ang Dumangueňa Manaile River Irrigators Association, Inc. na kinilala bilang Most Outstanding IA sa Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch