LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) --Upang mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng publiko sa kanilang pagbiyahe, isasakatuparan ng Task Force ang "OPLAN Biyaheng Ayos Undas 2022" alinsunod sa direktiba ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa I-ACT, ilang araw bago pa man dumating ang Undas, handa na ang mahigit 268 na I-ACT ground personnel at nakatakdang ikalat sila sa buong Kamaynilaan simula Oktubre 27 hanggang matapos ang Undas.
Binubuo ito ng iba't-ibang law enforcement and traffic management teams para sa EDSA Busway Carousel, Special Operations Unit, Anti-Drunk and Drugged Enforcement Unit, intelligence, communications, at administrative services.
Magkakaroon din ng One Stop Shop Help Desk sa iba't-ibang transport hubs sa Kamaynilaan kasama ang iba't-ibang ahensya.
Ayon sa pamunuan ng I-ACT, sinisiguro nito sa publiko na maaashan ang Task Force sa kanilang pangangailangan dahil 24 oras maggagabay ang kanilang mga operatiba sa mga mamamayan.
Liban dito, nagkaroon ng Inter-Agency Coordination Meeting kaninang umaga ang DOTr, I-ACT, LTO, LTFRB, MIAA, PITX, PNP-HPG, Toll Operators, at Disaster Operation Action Center ng Office of the Vice President of the Philippines upang siguraduhin ang kaligtasan ng lahat, pagpapanatili ng traffic discipline, road safety, at pagsugpo sa mga lawless elements at mga mananamantalang colorum operators, snob PUVs, at mga reckless drivers.
Dagdag pa dito, pag-iigtingin din ng Task Force ang pagpapatupad ng DOTr 7 Commandments upang masigurong masusunod ang public health safety standards sa mga pampublikong sasakyan.
Pinapaalala ng I-ACT sa mga drivers na maiging planuhin ang oras at ruta ng kanilang biyahe at ikundisyon ang gagamiting sasakyan at ang magmamaneho nito.
Para naman sa mga commuters, maiging mag-book o magpa-reserve na ng maaga upang makaiwas sa bugso ng mga tao habang papalapit na ang Undas.
Iwasan din ang pagdadala ng sobra-sobrang bagahe, kontrabando, o maaaring maging hazard sa mga PUV at kapwa road-users.
Paigtingin din ang paggamit ng face masks at pagsunod sa health protocols.
Panghuli, pinapaalala sa lahat na sumunod sa traffic laws, rules, at regulations upang mapanatiling ligtas ang lansangan natin para sa lahat. (I-ACT/PIA-NCR)