LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Muling pinasigla ng Bangsamoro Sports Commission (BSC) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang katutubong isports sa rehiyon sa pamamagitan ng pag-organisa ng tatlong araw na kumpetisyon na isinagawa kamakailan sa Bangsamoro Government Center dito sa lungsod ng Cotabato.
Ang nasabing kumpetisyon ay alinsunod sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples (IP) Month ngayong Oktubre. Ang tradisyonal na patimpalak sa palakasan ay nakatuon sa dalawang laro, ang Sipa sa Manggis at Sipa sa Lama.
Ang terminong Sipa ay literal na nangangahulugang "sipa," samantalang ang ibig sabihin ng Manggis ay "matamis na tagumpay," at ang Lama ay nangangahulugang "palaruan."
Ayon sa BSC, ang Sipa sa Manggis ay isa sa mga tradisyonal na palakasan ng Bangsamoro na sumisimbolo sa katanyagan, kapangyarihan, karangalan, at pagmamalaki. Ang larong ito ay nilalaro sa pamamagitan ng pagsipa ng maliit na bolang gawa sa ratan pataas para tumama sa nakasabit na Manggis case na may taas na halos 10 metro.
Sa kabilang banda, ang Sipa sa Lama naman ay nilalaro sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga manlalaro sa isang circle formation. Bawat manlalaro ay nagpapalitan sa pagsipa sa bola upang panatilihin ito sa hangin hangga't maaari hanggang sa mabigo ang isang manlalaro na sipain ang bola.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni BSC Chairperson Nu-man Caludtiag na ang nasabing sports event ay idinisenyo upang isulong at panatilihin ang tradisyonal o katutubong laro ng mga mamamayang Bangsamoro na minana pa mula sa kanilang mga ninuno. (With reports from Bangsamoro Government).