(Photo grabbed from DOLE Region XII Facebook Page.)
KORONADAL CITY, South Cotabato (PIA) -- Halos isang libong residente ng Barangay Bololmala, Tupi at Barangay Silway 7, Polomolok ang tumanggap kamakailan ng kanilang sahod bilang benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) 12.
Tumanggap ng kanilang sahod ang abot sa 976 na mga indibidwal mula sa nabanggit na mga barangay matapos silang binigyan ng pansamantalang trabaho, kabilang ang paglilinis sa kapiligiran, paglilinis sa mga kanal, at pagputol ng mga damo, sa ilalim ng TUPAD Program ng DOLE.
Ang bawat isa ay tumanggap ng tig-P3,680 bilang sahod sa sampung araw na pagtatrabaho.
Isinagawa ang pamimigay ng sahod para sa mga TUPAD beneficiary noong Oktubre 19 at Oktubre 20 na dinaluhan nina South Cotabato 1st District Representative Isidro Lumayag, Polomolok Councilor John Edward Lumayag, at Tupi Mayor Romeo Tamayo.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni DOLE 12 Regional Director Raymundo Agravante si Congressman Lumayag at ang mga lokal na pamahalaan sa unang distrito ng South Cotabato sa patuloy na suporta sa mga programa ng ahensiya.
Ang TUPAD program ay isang programa ng DOLE na nagbibigay ng pansamantalang pagkakakitaan sa mga informal workers, mga nawalan ng trabaho, at mga seasonal workers.
Sampu hanggang 90 araw ang ibinibigay na trabaho sa mga benepisyaryo, depende sa klase ng serbisyong kailangan at kung saan tumatanggap sila ng arawang sahod na batay sa umiiral na wage order sa rehiyon. (with report from DOLE XII)