LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Puspusan pa rin ang isinasagawang pamamahagi ng tulong ng bangsamoro regional government sa mga residenteng naapektuhan ng bagyong “Paeng” sa iba’t-ibang bahagi ng rehiyon.
Ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o BARMM-READi at Ministry of Social Services and Development (MSSD) ay nagpapatuloy sa pamimigay ng ready to eat meals, non-food items, tubig, at hygiene kits sa mga apektadong pamilya upang masiguro na ang kanilang mga pangangailangan ay natutugunan.
“Sa ngayon, nag-deploy na ang BARMM-READi sa lugar. Meron na silang mga na-deploy. Sa meeting namin kanina we already requested yung mga ibang ministries and offices to also deploy their team in the area,” sinabi ni BARMM chief minister Ahod Murad Ebrahim.
Kaugnay dito, ang field workers ng MSSD ay nagpapatuloy pa rin sa pagsasagawa ng kanilang monitoring, assessment, at coordination sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon para sa paghahatid ng relief operations.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang rescue and recovery operation ng pamahalaan ng BARMM sa lungsod ng Cotabato at mga bayan ng Dalican, Datu Odin Sinsuat (DOS), Upi, Datu Blah Sinsuat at Parang sa Maguindanao Del Norte na matinding naapektohan ng bagyo.
Umapela naman si BARMM READi Head Atty. Naguib Sinarimbo sa lahat ng iba pang sinanay na rescuers tulad ng Water Search and Rescue (WASAR) na boluntaryon tumulong sa isinasagawang rescue at recovery operations.