PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Dumating sa lungsod nitong Oktubre 30, 2022 ang BRP Antonio Luna (FF 151), isang sasakyang pandagat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.
Ang pagdating nito ay bilang bahagi ng A Joint Exercise (AJEX) DAGITPA 2022 ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngayong Nobyembre 7 hanggang Nobyembre 18.
Ang AJEX DAGITPA, kung saan ang ibig sabihin ng DAGITPA ay Dagat, Langit at Lupa ay ang ika-6 na unilateral exercise na isinasagawa ng AFP.
Karamihan sa mga kaganapan nito ay isasagawa sa Western Command (WESCOM) Joint Operations Area (JOA) na lalahukan ng mga miyembro ng mga sundalo mula sa Navy, Airforce at Army.
Magkakaroon ito ng apat (4) na major events bilang highlights ng nasabing pagsasanay. Ito ay ang Table Top Exercise (TTX), Staff Exercise (STAFFEX), Cyber Defense Exercise (CYDEX), at Field Training Exercises (FTX) na gagawin sa iba't-ibang lokasyon sa Palawan.
Ang BRP Antonio Luna, isa sa mga guided missile frigates ng Philippine Navy, ang magsisilbing platform sa joint exercise. Ang nasabing barko ay may kakayahang magsagawa ng anti-surface warfare, anti-submarine warfare, at anti-air warfare.
Ayon sa pamunuan ng Western Command (WESCOM), malaki ang maiaambag ng FF 151 sa mga layunin ng joint exercise lalo na sa pagkamit ng interoperability at common operational picture. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)
Larawan sa itaas: Nasa Lungsod ng Puerto Princesa ngayon ang BRP Antonio Luna (FF 151), isang sasakyang pandagat ng Hukbong Dagat ng Pilipinas para sa gaganaping A Joint Exercise (AJEX) DAGITPA 2022 ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngayong Nobyembre sa Palawan. (Larawan mula sa WESCOM)