PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isang Ride for A Cause na tinaguriang ‘Ronda El Nido 2022’ ang nakatakdang isagawa ng Joint Task Force Malampaya (JTFM) na pinamumunuan ni BGen. Robert I. Velasco PN(M).
Ayon kay Lt. Bryx Leonida ng JTFM, ang ‘ride for a school children activity’ na ito ay nakatakdang isagawa sa Nobyembre 27, 2022.
Layon ng ‘Ronda El Nido 2022’ na makalikom ng sapat na halaga para sa mga mag-aaral at paaralan na magiging benepisyaryo nito.
Sinabi pa ni Lt. Leonida na lahat ng kikitain sa aktibidad na ito ay kanilang ilalaan sa pagbili ng mga school desk at school supplies para sa kanilang mapipiling benepisyaryong paaralan at mga mag-aaral sa bayan ng El Nido.
Mga mag-aaral at paaralang nasa liblib na lugar partikular na ang paaralang nasa isla ang target na maging benepisyaryo ng JTFM para sa kanilang ‘ride for a cause.’
Nasa 200 partisipante naman ang inaasahang makikiisa sa adhikain ito ng JTFM, kasama na ang JTFM Bikers, ayon kay Lt. Leonida.
Sa Inter-Agency Public Affairs Forum naman kamakailan, inanyayahan na rin ni Lt. Leonida ang iba pang sangay ng militar, mga tanggapan kasama sa forum at maging ang iba’t-ibang grupo ng mga seklista sa Lungsod ng Puerto Princesa at Lalawigan ng Palawan na makiisa sa kanilang adhikain. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)