No to single-use plastics, yes to refilling stations
LUNGSOD NG QUEZON, (PIA) – Maaari mo ng i-refill ang iyong mga bote ng sabon tulad ng liquid detergent, fabric softener at shower gel sa sampung sari-sari stores sa Lungsod ng San Juan.
Matatagpuan ang dalawang stations nito sa Barangay Salapan, dalawa sa Barangay Batis, isa sa Barangay Sta. Lucia, Maytunas, Progreso, West Crame, San Perfecto, at San Juan City Coop.
Ito'y matapos ilunsad ang “Kuha sa Tingi” sa lungsod, isang programa na nais bawasan ang paggamit ng single-use plastics sa mga komunidad na nakakasama sa kalikasan.
Ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang isa sa mga lokal na pamahalaan na nakapagpatupad ng proyekto sa pakikipag-ugnayan sa Greenpeace Philippines at Impact Hub Manila.
Pinangunahan ang paglulunsad ni San Juan City Mayor Francis Zamora, kasama sina Vice Mayor Warren Villa, Greenpeace Philippines Zero Waste Campaigner Marian Ledesma and Impact Hub Manila CEO and Founder, Ces Rondario.
Nagpasalamat si Zamora sa Greenpeace at Impact Hub Manila at nagsabing sa tulong ng mga institusyon magiging mas mainam na ang pag-reuse at refill sa lungsod.
“Nakakadagdag sa basura sa kapaligiran. Imbis na sa sachet, dito na lang tayo kumuha. This a culture that we want to develop, na instead of buying sachets, bibili na lang ng tingi dito,” dagdag ni Zamora.
Sa kanyang naging mensahe, sinabi naman ni Ces Rondario ng Impact Hub Manila na hangad nilang maging solution-oriented sa pangangalaga sa kalikasan. “Ang goal po nito ay mabawasan ang single use plastic natin - maging solutions-oriented tayo. Kaya gumawa tayo ng mekanismo na sana mawala na ang sachets sa Pinas tulad nito,” aniya.
Para naman kay Director Lea Guerrero ng Greenpeace, nais nilang lumawak ang sakop ng inisyatibong ito sa iba’t ibang panig ng bansa. “Isa siyang sistema ensuring na we have a service na dati sa mga mahal lang na establishments available noon, pero ngayon ay mga refilling stations na mas accessible sa mga communities This is a pioneering project that can be and should be replicated in other parts of the Philippines," sinabi niya.
Ang mga may-ari ng tindahan ay dumaan sa oryentasyon at makakatanggap ng business and technical development support. Isang refilling station din ang itatalaga sa city hall para sa mga San Juan City Hall Employees Cooperative.
Ang mga partner sari-sari stores ay nakatanggap ng anim (6) na jerry cans na may bigat na apat (4) na litro ng dishwashing liquid, liquid detergent, fabric softener, at shower gel. Ang mga mamimili ay hinihikayat na magdala ng kanilang sariling lalagyan.
Ang Kuha Sa Tingi program ay magkakaroon ng road show sa iba’t ibang lokasyon sa San Juan na tatagal ng isang buwan. Ito ay para hikayatin at ipabatid sa mga residente ang kahalagahan ng reuse at refill movement. (VIA SAN JUAN CITY/PIA-NCR)