LUNGSOD QUEZON (PIA) – Ikinatuwa ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang pinakahuling resulta ng Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistic Authority (PSA) dahil naitala nito ang pinakamataas na employment rate na 95.0 percent mula nang tumama ang pandemic noong Enero 2020, sa gitna ng mataas na inflation.
Ang job market ay patuloy na may positibong pag-unlad habang ang aktibidad ng ekonomiya ay kasalukuyan nang bumabalik sa normal. Ayon sa resulta ng LFS, may kabuuang 47.6 milyong Pilipino na ang may trabaho noong Setyembre 2022, na nangangahulugan ng 9.2 porsiyentong paglago mula sa 43.6 milyon sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala, mula sa 76.83 milyong Pilipino na may edad 15 taong gulang pataas, ang PSA ay nakapagtala ng labor force participation rate (LFPR) na humigit-kumulang 50.08 milyong indibidwal––katumbas ng 65.2 porsyento. Ito ay nagpapahiwatig na mas malaking bahagi ng populasyon ang bumabalik na sa trabaho.
Bukod dito, ang unemployment rate ay nagpapatuloy sa downtrend nito na 5.0 percent mula sa 8.9 percent noong nakaraang taon. Ang figure na ito ang pinakamababa mula noong 4.6 percent outturn sa huling quarter ng pre-pandemic period noong 2019.
Patuloy ang sektor ng pagseserbisyo na nangunguna at may pinakamalaking ambag sa iba’t ibang larangan ng pagtatrabaho na nasa 58.9 porsiyento, na sinundan ng agrikultura at industriya na nasa 22.5 porsiyento at 18.6 porsiyento.
Nangangako ang pamahalaan na lilikha pa ng mas dekalidad na mga trabaho sa medium term sa pamamagitan ng eight-point socioeconomic agenda ng administrasyong Marcos.
Sa kasalukuyan, nagsusumikap ang gobyerno na bawasan ang mataas na inflation sa pamamagitan ng pagpapataas ng pagiging produktibo ng bansa at pagbibigay ng suporta sa rehabilitasyon sa mga sektor na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo. (DOF / PIA-NCR)