LUNGSOD QUEZON (PIA) – Isusulong ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang imahe ng Pilipinas bilang katuwang hindi lamang ng mga bansa sa ASEAN kundi ng buong mundo.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos bago siya tumulak papuntang Cambodia ngayong araw upang lumahok sa 40th at 41st ASEAN Summit na gaganapin simula bukas (Nobyembre 10) hanggang sa darating na Linggo (Nobyembre 13).
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkikita-kita muli ang mga bansa matapos ang tatlong taon na pandemya, kaya ayon sa Pangulo ang pagtitipong ito ay lubhang napakahalaga para sa lahat ng mga bansang kasapi.
Ang pakikilahok ng Pilipinas ayon sa Pangulo ay magtataguyod at magpoprotekta sa interes ng bansa sa ASEAN. Mabibigyang-diin dito ang pagtutulungang panrehiyon sa seguridad sa karagatan, pagbabago ng klima, seguridad sa pagkain, kooperasyong pangkalusugan, at sa pagbangon ng ekonomiya.
Ayon din sa Pangulo ang pagpupulong ay magiging magandang pagkakataon para sa Pilipinas na bumuo ng mga bagong partnership at palakasin pa ang mga umiiral nang kooperasyon.
Binanggit rin ng Pangulo na siya ay sabik nang makita ang mga kababayang nasa Cambodia at sila ay makamusta roon kaya’t siya ay makikipagkita sa kanila sa mga susunod na araw.
Ipinangako ng Pangulo na kanyang isusulong ang interes at imahe ng bansa, hindi lamang bilang sentro ng pamumuhunan at turismo, kundi bilang isang pandaigdigang kasosyo para sa mga bansang miyembro ng ASEAN at para sa lahat ng mga bansa na dadalo roon. (PIA-NCR)