Maliban dito, ibinahagi rin ng isang residente ang kanyang suliranin dulot ng mga nagkalat na aso na maaaring makapangagat o makadagdag sa pagkalat ng dumi.
Ani ng Punong Lungsod na sa susunod na taon ay may nakalaang pondo para sa karagdagang city pound na mag-iikot sa lungsod.
Karamihan naman sa mga katanungan ukol sa kaalwanan ng kalagayan ng mga residente ay ang senior citizen monthly allowance.
Ayon kay Elinor Jacinto ng Office of Senior Citizen Affairs (OSCA), inaasahan na mas malinis ang listahan ng senior citizen para sa allowance simula Setyembre hanggang Disyembre.
Ito ay dahil sa consultative meeting ng OSCA at mga punong baranggay.
Maliban dito, ang mga pamilya naman ng mga yumaong senior citizen na hindi na nakaabot sa payout, ay may aasahang burial assistance.
Itong hakbanging ito ay kasalukuyang nasa ikatlong pagbasa na.
Ukol naman sa mga allowance noong 2020 na hindi nai-claim, ibinahagi ng Punong Lungsod na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Pamahalaang Lungsod sa PayMaya.
Ito ay upang maibalik ang allowance na kasalukuyang nasa PayMaya card ng mga senior citizen sa Pamahalaang Lungsod na siya ring ipamamahagi sa mga senior citizen na hindi nakapagclaim.
Karaniwang mga rason kung bakit hindi nila nakuha ang kanilang allowance ay hindi matandaan ang PIN o kaya naman ay nagpalit ng cellphone number na nagsilbing account nila sa PayMaya. (pio manila/pia-ncr)