No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Nueva Vizcaya Tienda sa Kartilya ng Katipunan, bukas na!

LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) –Binuksan na sa publiko ngayon Huwebes, Nobyembre 17 ang Nueva Vizcaya Tienda na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan,Maynila.

Pinangunahan ni Punong Lungsod Dra. Maria Sheilah "Honey" Lacuna-Pangan kasama sila Ikalawang Punong Lungsod John Marvin "Yul Servo" Nietos at ni Gobernador Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya ang pagbubukas ayon sa pinirmahan nilang ugnayan sa pagitan ng Lungsod ng Maynila at Nueva Vizcaya para sa dalawang araw na programa.

Layunin ng programa na makapaghatid sa publiko ng mga de kalidad at sariwang produkto mula sa Nueva Vizcaya sa abot-kayang halaga simula ika-17 hanggang ika-18 ng Nobyembre.

Ayon kay Gobernador Padilla, base sa kanilang pag-aaral, nasa 10 hanggang 12 na istasyon ang dinadaanan ng kanilang produkto bago ito makarating sa mga mamimili.

Dagdag niya, kada istasyon ay may kaugnay na patong na halaga kung kaya higit na mas mahal ang presyo ng produkto kapag ito ay binili sa palengke.

Ayon pa kay Padilla, sa pamamagitan ng Nueva Vizcaya Tienda, mas iiksi ang daraanang proseso kaya higit na mas mura ang mabibiling produkto mula rito.

Nagpahayag rin ng pasasalamat si Padilla sapagkat aniya malaking tulong ito sa mga magsasaka at magbubukid sa kanilang lalawigan.

Sa kabilang banda, nagpapasalamat rin ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamamamagitan ni Mayor Lacuna sa pagkakataon na makapamili ang mga Manileño ng sariwa at de kalidad ngunit abot-kayang produkto.

Ayon pa kay Lacuna, hangad nila na sa "maliit na kaparaanan tulad ng paglalagay ng Nueva Viscaya Tienda ay maraming matutulungan."

Ito aniya direktang "farm to market" na proseso na naglapit ng produkto sa mamimili at nagpa igsi rin ng proseso para makabenta ng produkto ang mga magsasaka. (pio manila/pia-ncr)

About the Author

Susan De Leon

Assistant Regional Head

NCR

IO 3

Feedback / Comment

Get in touch