LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Upang mas mapalakas ang kamalayan at madagdagan ang kaalaman ng mga kawani ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hinggil sa sakit na diabetes, nagsagawa ang Ministry of Health (MOH-BARMM) kamakailan ng libreng screening para sa blood sugar at blood pressure, risk assessment gamit ang risk prediction chart, at diabetes self-management education.
Ang aktibidad ay isinagawa kasabay ng selebrasyon ng World Diabetes Day na pinangunahan ng MOH kasama ang Cotabato Regional Medical Center, Care Philippines, at Rotary Club of Cotabato East.
Kabilang sa mga paksang tinalakay sa nasabing aktibidad ay ang mga dapat malaman tungkol sa diabetes mellitus, mga araw ng pagkakasakit sa diabetes, foot care management, insulin injection, diabetes mellitus diet, at hypertension awareness.
Samantala, binigyang-diin ni MOH Non-Communicable Diseases Clusters head Dr. Ehsan Paudac na ang kanilang tanggapan ay mayroong education campaign para sa komunidad ng Bangsamoro upang magbigay ng kamalayaan sa mga isyu patungkol sa sakit na diabetes.
Kaugnay pa rin dito, binigyang-diin din ni MOH Deputy Minister Zul Qarneyn Abas na ang ministry at ang mga partner nito sa iba’t ibang sektor ay nakatutok sa mga aktibidad upang mas mapalakas pa ang kaalaman patungkol sa naturang sakit, upang mabigyan aniya ng kalidad na buhay ang lahat ng mamamayang Bangsamoro. (With reports from Bangsamoro Government).