GENERAL SANTOS CITY (PIA) -- Isang seminar tungkol sa pangangasiwa ng impormasyon laban sa 'gender-based violence' ang isinagawa ng Sarangani Provincial Information Office (SPIO) katuwang ang Philippine Information Agency SarGen noong Nobyembre 17-18, 2022 sa General Santos City.
Ang mga partisipante ay binubuo ng mga miyembro ng tri-media at mga representante mula sa iba’t-ibang Municipal Information Office sa probinsya.
Tinalakay sa naturang aktibidad ang mga dapat tandaan ng media sa pagtukoy at pagsugpo ng mga fake news o mga maling impormasyon na mabilis kumalat sa social media, lalung-lalo na kung may kaugnayan ito sa mga biktima ng pang-aabuso.
Kasama rin sa mga itinalakay na paksa ay ang mga iba't-ibang uri ng pang-aabuso na nangyayari sa totoong buhay at maging ang online na pang-aabuso o karahasan laban sa kababaihan at mga batang babae.
Samantala, nagbigay din ng mga mahahalagang panuntunan ang Philippine Information Agency hinggil sa tamang pagrereport na tinawag nitong gender-fair media reporting lalong lalo na kung ang ibabalita ay isang maselang kaso
Hinakayat din ng mga speakers mula sa PIA na protektahan ang karapatan ng mga kababaihan [women's rights] sapagkat katumbas ito ng karapatang pantao [human rights].
Ayon kay Sarangani Provincial Information Officer Joana Grace Banting-Lapore, kailangang matigil ang victim-blaming sa anumang uri ng pang-aabuso. Hinikayat nito ang media na maging boses para sa mga taong hindi makapagsalita laban sa gender-based violence.
Nagtapos ang seminar sa isang workshop kung saan inilahad ng mga partisipante ang kanilang mungkahi at mga gagampanang tungkulin upang masuportahan ang naturang adbokasiya. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)