LUNGSOD QUEZON, (PIA) --Nagtipon ang mahigit 91 na kabataang Taguigeño, 13 hanggang 17 taong gulang sa Mercado Del Lago Pavilion upang makibahagi sa Food Art, Painting, Edible Gardening, at Beadwork Workshops bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children's Month.
Masayang lumikha ang mga batang nakilahok ng kanilang sari-sariling sining at bilang pagbibigay halaga sa kanilang pagpunta, sila ay nakatanggap ng token tulad ng painting kit at alcohol na kanilang magagamit sa kanilang tahanan.
Ang aktibidad ay isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Taguig, sa pamamagitan ng City Social Welfare & Development Office (CSWDO), ang Buwan ng mga Bata: Sining at Iba Pa ngayong araw, ika-26 ng Nobyembre.
Layunin ng aktibidad na bigyan ang mga kabataan ng pagkakataong matuto tungkol sa mga iba't ibang uri ng sining na maaari nilang gawing libangan at napagkakitaan lalo na sa makateknolohiyang panahon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Lani Cayetano na siya ay nagagalak sa mga aktibidad tulad ng Sining at Iba Pa sapagkat patunay ito na bumabalik na sa normal na gawain ang lungsod ng Taguig.
Hinikayat din niya ang mga nakilahok na mas maraming kapakipakinabang na bagay na maaaring paggamitan ng oras tulad ng sining. (taguig pio/pia-ncr)