LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Simula ngayon Huwebes, Disyembre 1, 2022, tatakbo na ng 24 oras ang operasyon ng Libreng Sakay ng EDSA Busway sa ilalim ng Service Contracting Program ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Base sa inilabas na Board Resolution no. 174 at no. 176 s. 2022, nasa 100 Public Utility Buses (PUBs) ang inaasahang tatakbo sa EDSA Busway sa extended operational hours, mula 11:01 pm hanggang 3:59 am, habang 650 PUBs mula 4:00 am hanggang 11:00 pm na tinatayang nasa tatlong round trip o anim na single trip mula Monumento station hanggang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ang naturang desisyon ay kasunod ng inaasahang pagdami ng mga pasaherong namamasyal dahil sa extended mall hours ngayong Christmas season. Nagsimula na ang extended mall hours mula ika-14 ng Nobyembre 2022 hanggang ika-6 ng Enero 2023, mula 11:00am hanggang 11:00pm.
Naisakatuparan ang programa upang makatulong sa mga commuter dulot ng Libreng Sakay, gayundin sa mga operator at driver na nababayaran ng gobyerno sa bawat biyahe na kanilang itinakbo at nakumpleto kada linggo. (ltfrb/pia-ncr)