LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) – Binigyang diin ng Council for the Welfare of Children (CWC) na kailangang mapabilang ang kabataan sa mga mental health program ng pamahalaan, kasabay ng pagdiriwang ng National Children’s Month na may temang na ‘Kalusugan, kaisipan, at kapakanan ng bawat bata, ating tutukan’.
Sa kanyang panayam sa programang Sulong Calabarzon, sinabi ni André Canilang ng Localization and Institutionalization Division na nanganganib ang kabataan sa iba’t ibang uri ng karahasan tulad ng peer violence o bullying, at psychological violence.
Isa sa mga pangunahing tungkulin ng CWC ang pagbalangkas ng mga polisiya para sa kabataang Filipino. Sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) at National Center for Mental Health (NCMH), layunin ng pamahalaan na maisulong ang mga polisiya at aktibidad para sa mental health promotion and prevention sa kabataan.
Ani Canilang, kadalasang nakararanas ng psychological at peer violence sa kamay ng kanilang mga magulang o tagapag-alaga sa tahanan at eskwelahan.
Isa sa mga dahilan na nakikita ng CWC ang kahirapan at kakulangan sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng kalusugan, edukasyon, at pagkain.
Bukod dito, labis ring naapektuhan ng pandemyang dulot ng Covid-19 ang mental health ng kabataan.
“Mahalagang kabilang ang kabataan sa mental health program ng pamahalaan sapagkat isinusulong natin ang karapatan ng kabataan na makilahok at maikonsidera ang kanilang opinyon sa pagdedesisyon sa mga bagay na nakakaapekto sa kanila,”
Batay sa Crisis Hotline Report ng National Center for Mental Health (NCMH), nasa 251 kabataan ang lumapit sa kanilang tanggapan dahil sa stress, anxiety, online bullying, at iba pang concern sa kanilang buhay pamilya at eskwela.
Ayon kay Canilang, sinyales ito na marami sa kabataan ang may pagtanggap na nangangailangan sila ng mental health intervention at support. Subalit nananatiling underreported ang mga kaso nito dahil sa kaakibat na stigma nito.
Bukod sa mga crisis helpline ng NCMH, naglunsad rin ng MAKABATA Helpline ang CWC na layuning tugunan sa tawag at magsilbi bilang referral hotline.
Dagdag pa ni Canilang, mahalaga ang gampanin ng community-based mental health program upang mailapit ang mga serbisyo para sa lahat at mabawasan ang stigma sa mental health.
“Mahalagang may whole-of-society approach ang pagtugon ng pamahalaan sa isyu ng mental health. Kaya marapat na isama natin ang pamilya at mga Civil Society Organization,” (PB/PIA-4A)