
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Dumating kamakailan si Senator Imee Marcos sa San Jose upang personal na pangunahan ang pamamahagi ng tulong-pinansyal sa may 700 benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ang AICS ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal na kinukonsiderang naapektuhan ng kalamidad, sakuna, armadong pakikibaka, at ibang krisis, batay sa assessment at validation ng Kagawaran.
Ayon kay Shiela Sarabia, tagapamahala ng DSWD OccMdo, mula sa inisyatiba ng Senadora ang P3 milyon na ipinamahagi sa mga benepisyaryo na galing pa sa iba’t ibang bayan sa probinsya. Aniya, ang orihinal na target ng tanggapan ni Senator Marcos ay mahatiran ng tulong ang 1,000 katao, ngunit dahil ang ibinibigay na tulong ng AICS ay nakabatay sa pangangailangan ng mga benepisyaryo, 700 lamang ang natukoy nila na marapat tumanggap ng halagang P3,000–P5,000.
Katuwang ng DSWD OccMdo ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa assessment at validation at siya ring nagsumite ng mga pangalan ng mga AICS beneficiaries. “Ang mga benepisyaryo natin ay may pangangailangang medikal at ang iba ay mga may kapansanan,” ani Sarabia.
Lubos naman ang naging pasasalamat ni Governor Eduardo Gadiano sa pagbisita ng Senadora sa lalawigan. Aniya, ang halagang ipinagkaloob nito sa mga benepisyaryo ng AICS ay tugon sa noo’y kanyang kahilingan sa tangapan ng Mambabatas. Dagdag pa ng Punong-lalawigan, ang pagdating ng Senadora ay naging isang magandang pagkakataon dahil naisangguni nila rito ang power situation sa lalawigan. Agaran namang tinugunan ni Marcos ang idinulog ng pamahalaang panlalawigan at sinabing kakalampagin niya ang mga ahensyang makakatulong upang malutas na ang power crisis sa Occidental Mindoro. (VND/PIA MIMAROPA)