LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Tinalakay kamakailan ni Amirto Agao, Public Relations Officer II ng Bangsamoro Youth Commission ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BYC-BARMM) ang mga benepisyo para sa mga accredited youth organization sa rehiyon.
Kabilang dito ang oportunidad na sila ay makalahok sa mga programang may kaugnayan sa pag-unlad ng rehiyon, mga pagsasanay mula sa iba’t ibang development partners ng BARMM, at makasali sa international youth exchange programs.
Ayon pa kay Agao, sa tulong ng kanilang tanggapan, ang mga accredited youth organization ay matutulungan pang mas makilala ng iba’t ibang ahensya at maging prayoridad sa mga pagsasanay at iba pang mga aktibidad para sa kabataan.
Kaugnay dito, hinimok din ng BYC ang mga youth-led at youth serving organization sa rehiyon na mag-apply para sa accreditation sa pamamagitan ng Bangsamoro Youth Accreditation Process ng tanggapan.
Ang mga interesadong youth organization ay kinakailangang mag-submit ng opisyal na registration forms, directory of offices, at listahan ng kanilang mga miyembro na mayroong good standing record.
Nabatid na ang BYC ay nakapag-accredit na ng mahigit 500 youth organization mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon. (NAVF/LTB/PIA-XII)