LUNGSOD QUEZON (PIA) -- Sa pagtungo ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa bansang Tsina para sa tatlong araw na state visit nais niyang palakasin ang ugnayan at pakikipagtulungan rito para sa benepisyong pang-ekonomiya ng ating bansa.
Lulan ng PR 001, si Pangulong Marcos at ang Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, kasama ang mga miyembro ng kanyang delegasyon ay dumating sa Beijing Capital International Airport kagabi ng 6:10 pm.
Sa kanyang biyaheng ito sa labas ng bansa na pinakauna sa taong ito, hinahangad niyang pasiglahin pa ang relasyon sa kapitbahay na bansa sa Asya at palawakin pa ang kooperasyon sa iba't ibang larangan tulad ng agrikultura, enerhiya, imprastraktura, agham at teknolohiya, at sa kalakalan at pamumuhunan.
Inaasahan ring tatalakayin niya at ng Pangulo ng Tsina na si Xi Jinping ang mga isyung bilateral at rehiyonal sa seguridad pampulitika na may hangaring alisin ang anumang pagkakaiba-iba ng mga opinion.
Ilang mga pangunahing bilateral na kasunduan ang inaasahan ring malagdaan sa pagbisita ni Pangulong Marcos roon at ilan sa mga ito ang mga sumusunod:
- Memorandum of Understanding (MoU) sa kooperasyong pang-digital na tumutuon sa pagpapalitan ng pinakamahuhusay na nakagawian, capacity building sa digital connectivity at mga impormasyong na umuusbong sa aspetong digital;
- Kasunduan sa kooperasyong pang turismo na tinatawag na “Implementation Program of MOU on Tourism Cooperation” dahil inaasahan ng bansa ang mas marami pang turistang Tsino na darating matapos makabangon mula sa kasalukuyang COVID-19 wave;
- MoU sa Belt and Road Initiative ng Tsina;
- MoU sa Communication Mechanism sa isyung Maritime;
- Joint Action Plan sa kooperasyong pang agrikultura at pangisdaan sa ngalan ng Department of Agriculture; at
- Isang posibleng grant na nagkakahalaga ng 1.5 bilyong Renminbi (RMB) at isang framework agreement sa tatlong priority bridges na tumatawid sa Pasig-Marikina River, at ang Manggahan Floodway bridges construction project na makalulutas ng suliranin sa pagbaha at makapag-aambag ng maraming trabaho sa mamamayan.
Sa biyaheng ito rin, inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang punong ehekutibo na palakasin ang masiglang relasyon sa kalakalan at pamumuhunan sa bansang Tsina habang pinabibilis ng Pilipinas ang paglago ng post-pandemic na ekonomiya nito.
Nangako rin ang Pangulo na patuloy na magsagawa ng mga hakbangin sa mga prayoridad na lugar upang matiyak ang seguridad sa pagkain, sapat at matatag na enerhiya, gayundin ang mga programa sa sustainable digital economy.
Bukod sa pagpapahusay ng kalakalan at komersiyo, inaasahan ng Pangulo na makahikayat pa ng mas marami pang turista, estudyante, at mamumuhunan na Tsino na bumalik sa Pilipinas sa pagbubukas ng bansa sa bagong normal.
Taong 1976 nang sinamahan ng Pangulo ang kanyang ina, ang dating Unang Ginang Imelda Marcos, sa isang katulad na biyahe habang inilalatag nito noon ang batayan para sa pagtatatag ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng dalawang bansa na binuo ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. (PIA-NCR)