No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

MDRRMO-Brooke’s Point, patuloy sa paglilikas ng mga apektado ng pagbaha

Ang Hanging Bridge sa Bgy. Imulnod na sa Bayan ng Brooke's na isa lamang na naiulat na nasira dahil sa baha dulot na walang tigil na pag-ulan na dala ng Low Pressure Area. (LPA). (Larawan mula sa residente ng Brooke's Point)

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang paglilikas ng mga residenteng apektado ng pagbaha ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Brooke’s Point katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang ahensiya.

Ayon sa Situational Report na inilabas ng Palawan Emergency Operation Center nitong Enero 4, 2023 kaugnay ng epekto ng Low Pressure Area (LPA) ay nasa Red Warning Level ang mga bayan ng Brooke’s Point at Rizal kung saan may pagbabanta ito ng matinding pagbaha sa mga mabababang lugar at pagguho ng lupa sa bulubunduking lugar.

Nasa Orange Warning Level naman ang mga bayan ng Sofronio Espanola at Bataraza habang nasa Yellow Warning Level naman ang mga bayan ng Balabac, Quezon at bahagi ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa bayan ng Brooke's Point ang mga barangay na naiulat na naapektuhan ng pagbaha ay ang mga Barangay ng Tub-tub, Barong-barong, Pangobilian, Mainit, Aribungos, Ipulan, Mambalot, Maasin at Saraza.

Ilan sa mga lugar na binaha sa bayan ng Brooke's Point at hindi kayang tawirin ng mga maliliit at magagaang mga sasakyan ay ang Curanga Highway sa Bgy. Ipilan, Buligay bridge sa Bgy. Tubtub at Mainit Spillway sa Bgy. Mainit, ayon ito sa MDRRMO ng nasabing bayan. Isa rin sa naiulat na nasira ay ang hanging bridge sa Bgy. Imulnod.

On-going naman ang validation na isinasagawa ng MDRRMO-Brooke's Point sa mga naililikas o evacuees sa mga evacuation center.

Nagsuspende naman ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan ang mga bayan ng Brooke's Point, Bataraza at Rizal habang suspensido rin ang mga trabaho sa mga munisipyo ng Brooke's Point at Bataraza.

Naka-activate naman sa Blue Status Alert ang Emergency Operation Center ng Palawan at patuloy na nagmomonitor sa epekto ng LPA. (OCJ/PIA MIMAROPA)


Larawan sa Taas: Brigada News FM Palawan

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch