LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Isang daang kooperatiba mula sa iba’t ibang mga lugar sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinagkalooban kamakailan ng P150,000 halaga ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ng BARMM sa pamamagitan ng Special Assistance for Viable Enterprise o SAVE grant program ng Cooperative and Social Enterprise Authority o CSEA.
Pitumpu't apat sa mga kooperatiba ay mula sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Lanao del Sur, kabilang din ang mga lungsod ng Cotabato at Marawi. Dalawampu't anim naman ay mula sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Sinabi ni CSEA Chief Administrative Division Abdullah Dipatuan na ang mga benepisyaryo ay napili pagkatapos ng masusing pagpili at screening process na itinakda sa ilalim ng mga alintunin ng nasabing tulong pinansyal.
Dagdag pa ni Dipatuan na ang mga napiling kooperatiba ay sumailalim sa striktong proseso ng aplikasyon, kabilang ang pagsumite ng kani-kanilang project proposal, at pagpapatunay na sila ay mula sa mga mahihirap na lugar sa rehiyon.
Kaugnay dito, umaasa naman si CSEA Social Enterprise Division Chief Lininding Pangandaman na ang nasabing tulong pinansyal ay magiging daan sa pag unlad ng mga benepisyaryong koop. (With reports from Bangsamoro Government).