LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Ipinahayag ni Dr. Jhoana Marie Zambrano, public health section head ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) na muling nakatanggap ng halal certificate ang CRMC mula sa Muslim Mindanao Halal Certification Board Incorporated.
Sa programang Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII noong Byernes, sinabi ni Zambrano na ang nasabing sertipikasyon ay iginawad sa CRMC nang magsagawa ng pangalawang audit ang Muslim Mindanao Halal Certification Board Inc noong nakaraang buwan.
“Napaka halaga ng certification na ito na natanggap ng CRMC. Noong December 28 nagkaroon ng second audit, nagpunta ang Muslim Mindanao Halal Certification Board Incorporated. Alam naman natin na yung halal certification ay guarantee that the product that we have passed international standards from the preparation to packaging to handling for the food and waters of our patients and employees,” sinabi ni Zambrano.
Aniya, ang halal certification ay magsisiguro na ang lahat ng mga produkto ng CRMC ay sumusunod sa Islamic dietary requirements o Islamic lifestyle. Layon din nitong matiyak ang kalidad, kalinisan, at health standards ng pagkaing inihahanda sa loob ng ospital.
Dagdag pa ni Zambrano, ang halal certification ay hindi lamang isang religious obligation, ito rin aniya ay para sa kapakanan ng mga hindi Muslim na pasyente at kliyente ng CRMC.
Kaugnay dito, ang sertipikasyon ay sumasalamin din sa pagsisikap ng CRMC at sa layunin nitong maging isang Ibadah-Friendly Hospital. (PIA Cotabato City)