No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Internet voting at iba pa, tatalakayin sa Election Summit-- Commissioner Celis

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isa lamang ang ‘internet voting’ sa mga tatalakayin sa gaganaping ‘Election Summit’ ngayong Marso 8-10, 2023.

Sinabi ito ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Nelson J. Celis sa panayam ng PIA-Palawan sa pagbisita nila dito sa lungsod nitong Enero 14 upang personal na obserbahan ang isinasagawang Special Satellite Registration ng COMELEC-Puerto Princesa.

Layon aniya ng nasabing summit na makakuha ang Komisyon ng mga magagandang suhestiyon mula sa mga Civil Society Organization (CSOs), mga stakeholders, at citizens arms sa pamamagitan ng public consultation upang mapaganda pa ang eleksiyon, lalong-lalo na ang darating na midterm election.

Si COMELEC Commissioner Nelson J. Celis ang Commissioner In-Charge ng Election Summit at sinabi nitong isa lamang ang ‘internet voting’ sa mga tatalakayin sa gaganaping ‘Election Summit’ ngayong Marso 8-10, 2023. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Sinabi pa ni Commissioner Celis na nagsimula na ang pre-summit activities nitong Oktubre 2022. Ito ay sa pamamagitan ng Focus Group Discussions (FGD) kung saan pinupulong-pulong ang mga CSOs upang pag-usapan ang mga bagay-bagay tulad ng pagsusumite ng mga Statement of Contributions and Expenditures (SOCE), kung papaano ito mapapabilis, mapapaganda at mapapaayos, at marami pang iba.

Isa rin aniya sa pinag-uusapan ang tungkol sa teknolohiya, katulad nang kailangan na bang ipatupad ang internet voting sa National and Local Elections?

“Sabi ng iba, siguro simulan muna natin sa maliit, kasi kakaunti lang naman ang overseas natin katulad nitong nakaraang elections may 1.6 absentee voters tayo pero ang nakaboto nasa 40% lang, mga 600 (thousand) lang, so maliit lang. Sa aming napag-usapan, siguro puwede na po nating simulan ang internet voting sa overseas absentee voting. ‘Yon ang naging focus ng mga discussion namin with the civil society organization at itong ating mga nagpaparticipate ay very open naman,” pahayag ni Commissioner Celis.

Sinabi din ni Commissioner Celis na may mga security measures din na i-implementa o ipatutupad ang Komisyon sa pagsasagawa ng internet voting at seryoso ang Komisyon na ipatupad ito sa 2025.

Ilan pa sa pag-uusapan sa summit ay ang Blockchain Technology at ang paggamit ng digital signature o digital signing electronic transmission na nakasaad sa RA 9369. Ani Commissioner Celis, nagamit na ang digital signing noong 2022 Elections sa NCR, Davao at Cebu at pag-uusapan ito na dapat nang ipatupad sa buong bansa sa 2025.

Magkakaroon din ng debate na lalahukan ng mga law students sa bansa na pangangasiwaan ng Legal Education Board ng Komisyon sa Pebrero 20-24. Ang pag-uusapan sa debate ay kung alin ang mas maganda, ang automated Election o ang Hybrid Election.

Napapanahon umano ang usaping ito dahil may mga panukala na sa Kongreso tungkol sa Hybrid Election System.

Si Commissioner Celis ang Commissioner In-Charge ng Election Summit. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch