LUNGSOD NG COTABATO (PIA) -- Napanatili ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pinakamababang inflation rate record sa buong bansa noong nakaraang Disyembre 2022.
Base sa report na inilabas kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA-BARMM), ang BARMM ay nakapagtala ng 6.3 porsiyento.
Ang BARMM ay sinundan ng Region 12 at Region 4A na nakapagtala ng 7.1 porsiyento. Pumangatlo naman ang Region 5 na mayroong inflation rate na 7.2 porsiyento, habang ang Region 6 ang naka kuha ng pinakamataas na inflation rate na umabot sa 10.5 porsiyento.
Samantala, ayon kay PSA-BARMM officer-in-charge chief statistical specialist Edward Donald Eloja, ang nasabing inflation rate sa BARMM ay bahagyang mataas kumpara sa 6.0 porsiyento noong Nobyembre ng kaparehong taon.
Ipinaliwanag ni Eloja na ang bahagyang pagtaas ng inflation rate sa 0.3 porsiyento noong Disyembre ay mula sa pinagsamang index para sa mga piling grupo ng kalakal tulad ng pagkain at non-alcoholic na mga inumin na nasa 8.5 porsiyento at housing, water, electricity, gas, at iba pang fuels na may 3.2 porsiyento. (With reports from Bangsamoro Government).