LUNGSOD NG COTABATO (PIA )-- Magkakaroon na ng mas maayos na access sa serbisyong pangkalusugan ang mga residente sa probinsya ng Maguindanao del Sur matapos buksan kamakailan ng Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MOH-BARMM) ang apat na bagong Barangay Health Stations (BHS) sa lugar.
Ang apat na bagong mga pasilidad ay matatagpuan sa Barangay Manindolo sa Datu Paglas, Barangay Muti sa Guindulungan, at mga Barangay ng Kakal at Kapinpilan sa Ampatuan.
Bawat BHS ay nagkakahalaga ng abot sa P2.5 milyon, at kumpletong mga kagamitan na nagkakahalaga naman ng P500,000. Dalawa sa naturang BHS ay pinondohan sa ilalim ng Tiyakap Bangsamoro Kalusugan Program (TBKP), habang ang dalawang iba pa ay sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) ng BARMM.
Samantala, binigyang-diin ni MOH Minister Dr. Rizaldy Piang na ang pagbubukas ng nasabing mga health station ay isang malaking hakbang upang maisakatuparan ang layuning makapagbigay ng kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mamamayang Bangsamoro.
Kaugnay dito pinuri ni MOH Director for Operations Dr. Tato Usman ang pagbubukas ng nasabing mga BHS dahil kumpleto na aniya ito sa kagamitan at mayroon din itong health personnel na siyang mamamahala at magbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente. (With reports from Bangsamoro Government).