LUNGSOD QUEZON (PIA) --Bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-20 taong anibersaryo, pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina kahapon, Enero 18, ang bagong gusali ng Pamantasan ng Lungsod ng Markikina (PLMar) sa SSS Village, Barangay Concepcion Dos.
Pinangunahan ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, District 1 Congresswoman Marjorie Ann “Maan” Teodoro, Vice Mayor Marion Andres, kasama si PLMar President Dr. Erico Habijan, at iba pang mga opisyales ng lungsod at unibersidad ang okasyon.
Ang pinasinayaang bagong gusali ay bahagi ng second phase ng PLMar expansion project.
May fully-furnished features ang gusali, may maluluwang na pasilidad at silid-aralan na angkop sa maraming kurso at programang itinuturo sa unibersidad.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Marikina, patuloy silang magbibigay ng de-kalidad at abot-kayang tertiary education sa mga mag-aaral ng lunsod.
“Muli nating pinatunayan ang positibong bunga ng pagtutulungan at mabuting pamamahala upang maipagpatuloy at mapagtagumpayan ang isa sa aming mga pangarap para sa kabataan — kalidad at abot-kamay na edukasyon,” pahayag ni Congresswoman Teodoro sa okasyon.
Nangako din si Congresswoman Teodoro na magbibigay siya ng mga materials at equipmentat iba pang pagangailan ng unibersidad.
Samantala, binate naman ni Mayor Teodoro ang mga namamahala sa unibersidad, mga guro, at mga mag-aaral na dumalo sa inagurasyon.
Aniya, maliban sa benepisyong hatid ng bagong gusali ng unibersidad, hiniling niya sa mga administrador at mga guro na ipagpatuloy ang pagmamalasakit at pangangalaga sa kanilang mga estudyante at palagiang isipin ang kanilang kalagayan sa buhay.
“Hindi natin nais na makadevelop lamang ng mga indibidwal to their full potential. Iyon ang pangarap natin, pero higit pa doon, ay ang makapagtapos tayo,” ani Teodoro.