LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Nanawagan si Mayor Lani Cayetano sa mga Taguigeno na makiisa sa pagsusulong ng urban farming sa lungsod.
Ito’y matapos niyang pangunahan ang pag-aani ng samu't saring gulay sa Taguig Urban Farm, sa loob ng Taguig City University Compound, noong Biyernes, Enero 20, 2023.
"I really hope...na we continue to utilize our open spaces. Gaano man kaliit yung open spaces natin sa ating mga tahanan ay gamitin natin sa urban farming," saad ni Mayor Lani.
"Hindi lang po [ito] hobby, [o makakatanggal] ng stress, kundi source din ng ating fresh and healthy food para sa ating pamilya. At actually, ini-introduce din po natin ang urban farming as a possible source of income for the family...Ginagawa po natin ang urban demo farm to present this as an alternative means of livelihood sa mga kababayan natin," dagdag pa nito.
Isa ang urban demo farm sa loob ng Taguig City University sa maraming iba pa na itinatag ng pamahalaang lungsod, sa pakikipagtulungan sa Taguig City Agriculture Office, na naglalayong mapalaganap ang urban farming sa pamamagitan ng paggamit ng private at open spaces.
Bukod pa rito, salamin ang Taguig Urban Farm sa pagsusulong ng Pamahalang Lungsod ng sustainable farming na kita mula sa pag-upcycle ng mga basyo ng alcohol at water containers, maging ng mga lumang gulong, bilang taniman, at pag-iwas sa paggamit ng chemical fertilizers. (pio taguig/pia-ncr)