LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Nanawagan ang Pamahalaang Lungsod ng Pasay sa mga magulang na makiisa sa Operation Timbang Plus (OPT+) at alamin ang nutritional status ng kanilang mga anak.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahalagang malaman ang nutritional status ng mga bata.
Tuwing unang tatlong buwan ng taon (Enero hanggang Marso) ay mayroon tayong pangnutrisyong aktibidad na tinatawag na Operation Timbang Plus o OPT+.
Ang OPT Plus team mula sa mga health center at barangay na binubuo ng Midwife, Barangay Nutrition Scholars (BNSs), Barangay Health Workers (BHWs) at iba pang community volunteers ay pupunta sa inyong mga barangay at kakatok sa inyong mga pintuan para timbangin at sukatin ang haba o taas ng mga batang edad zero (0) hanggang apat (4) na taon gulang o 0-59 na buwan upang matukoy ang kanilang Nutritional Status.
Ito rin ay isinasagawa sa lahat ng barangay sa buong bansa upang malaman ang nutritional status ng mga bata at matukoy ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang atensyong pangkalusugan at nutrisyon. Ang resulta ng OPT+ ay ginagamit din sa pagpaplano para sa mga programang pang nutrisyon ng barangay at siyudad.
Kaya halina’t makiisa sa OPT+ mga mahal naming mga magulang at alamin ang Nutritional Status ng inyong mga anak. (Pasay City/PIA-NCR)