Isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang digitalization ng mga transaksyon ng pamahalaan, lalo na ng Bureau of Customs (BOC), upang masugpo ang laganap na pagpupuslit ng ilegal na kalakal.
Ang mas makabagong paghawak ng data at ng transaksyon aniya ay makatutulong sa pag-unlad ng pambansang ekonomiya.
Sa isang panayam, sinabi ni Pres. Marcos na kailangan nang masolusyunan ang isyu sa walang tigil na smuggling sa Pilipinas, kung saan halos lahat ng uri ng mga kalakal ay naipupuslit nang ilegal sa bansa.
Mas mainam aniya na tingnan ang mga matagumpay na pamamaraan ng iba't-ibang bansa at gamitin ang mga ito sa Pilipinas upang mapigilan ang banta ng smuggling sa mga lokal na industriya na nakakaapekto sa pangongolekta ng tamang buwis.
Isa sa mga naunang rekomendasyon ay bigyan ng access sa database ang BOC at Department of Agriculture (DA) upang masiguro ang mabisang pagkuha ng impormasyon.
Mayroong data-sharing agreement (DSA) ang BOC at DA kung saan mapapangasiwaan ang palitan ng impormasyon tungkol sa ‘traded agricultural products.’
Ang DSA, na alinsunod sa Data Privacy Act ng bansa, ay isang kasunduang itinatag ng BOC at DA upang matiyak na ang lokal na agri-fishery products ay nasa magandang kalidad.
Sa sunud-sunod na international fora na dinadaluhan ng pangulo, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng digitalization sa pagsusulong ng development agenda ng administrasyon nito sa bansa habang bumabawi ang Pilipinas mula sa pandemyang dulot ng coronavirus disease.
Kinikilala rin ng gobyerno, ani PBBM, ang digitalization bilang susi para sa long-term development at sa economic transformation sa post-pandemic global economy.
Dagdag pa ng pangulo, mahalaga rin para sa digitalization ang papel ng micro, small and medium enterprises o ang MSMEs. Palalakasin pa aniya ng pamahalaan ang partisipasyon ng MSMEs sa digital economy upang mabawasan ang digital divide. (Harlem Jude Ferolino, PIA SarGen)