LUNGSOD NG COTABATO (PIA)--Nakatakdang ilunsad ngayong Marso ng Bangsamoro Women Commission - Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BWC-BARMM) at ng United Nations Entity for Gender Equality and the Empowerment of Women (UN Women) ang sampung taong plano ng pamahalaan ng BARMM upang tugunan ang pangangailangan ng mga kababaihan na may kaugnayan sa kapayapaan at seguridad.
Ito ay layong maisakatuparan sa pamamagitan ng Regional Action Plan on Women, Peace, and Security (RAP-WPS).
Kamakailan ay nagsagawa ng apat na araw na technical write-shop ang pamahalaan ng BARMM dito sa lungsod ng Cotabato upang simulan ang susunod na cyle ng RAP-WPS.
Ito ay dinaluhan ng iba’t ibang mga ministry at iba pang partner ng pamahalaan ng BARMM. Susundan naman ito ng serye ng validation sa iba’t ibang lugar sa BARMM para sa pagsasapinal ng naturang plano.
Tinalakay din ng mga partisipante ang mga kinakailangang pagbabago at pagpapahusay ng bawat isa sa apat na haligi ng nasabing plano. Kabilang dito ang Protection and Prevention, Empowerment and Participation, Promotion and Mainstreaming, and Monitoring and Evaluation.
Ayon sa BWC, ang bagong RAP-WPS ay layong matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng kababaihan at makabuo ng mas kongkreto at gender-sensitive na plano tungo sa pagsusulong ng isang mapayapa at pagkakapantay-pantay ng kasarian sa buong rehiyon.
Samantala, umaasa naman si BWC Chairperson Bainon Karon na ang susunod na cycle ng RAP-WPS magiging mas inklusibo at participative upang mas mapalakas pa ang makabuluhang partisipasyon ng kababaihan. (With reports from Bangsamoro Government/PIA-XII)