No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

‘Love Affair With Nature,’ muling isinagawa ngayong Pebrero 14

PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Muling isinagawa ngayong Pebrero 14, 2023 kasabay ng Araw ng mga Puso ang taunang ‘Love Affair With Nature’ na may temang ‘A vow to fight Climate Change.’

Pangunahing layunin ng ‘Love Affair With Nature’ ay ang mapanumbalik ang sigla, paigtingin at magkaroon ng tuloy-tuloy na programa na mapanatili at mapaunlad ang mangrove areas ng lungsod na nasira ng mga natural na kalamidad at iligal na pamumutol nito.

Ito na ang ika-19 na taong pagdiriwang ng Love Affair With Nature sa ilalim ng pangangasiwa ng City Environment and Natural Resources Office kung saan, nasa 7,000 ng mangrove propagules ang itinanim sa Sitio Bucana, Bgy. Iwahig.

Natigil ang pagsasagawa nito mula noong taong 2020 hangggang 2022 dahil sa pandemyang COVID-19.

Nakiisa ang mga estudyanteng ito sa pagtatanim ng punong bakawan sa isinagawang 19th Love Affair With Nature nitong Pebrero 14, 2023. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Kasabay nito ang pag-iisang dibdib ng 109 na magsing-irog na mismong si Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron ang nagkasal sa mga ito.

Matapos ang seremonya ay nakiisa rin sa pagtatanim ng punong bakawan ang mga bagong kasal.

Nakiisa rin sa pagtatanim ang iba’t-ibang organisasyon sa lungsod, mga estudyante, mga kandidata ng Mutya ng Puerto Princesa, at mga opisyal ng barangay at ng pamahalaang panlungsod.

Pinangunahan din ni Mayor Bayron kasama sina Vice Mayor Nancy Socrates at ilang City Councilors ang potting at sowing ng mangrove propagules. Ang pagsasagawa nito ay bilang paghahanda ng mga itatanim na bakawan sa susunod na taon.

Ang 109 magsing-irog na ikinasal ni Mayor Lucilo R. Bayron kasabay ng pagdiriwang ng Love Affair With Nature. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ang Love Affair With Nature ay nagsimula noon pang taong 2003. At mas pinagtibay ito sa pamamagitan ng City Ordinance 287 na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Setyembre 16, 2005 kung saan itinakda sa ordinansa na ito na tuwing Pebrero 14 ng bawat taon isasagawa ang Love Affair With Nature.

Sa kasalukuyan ang mangrove area ng lungsod ay humigit 6,000 hectares ayon sa City ENRO. Nakapaloob na dito ang mga naitanim nang bakawan sa mga nakaraang Love Affair With Nature na naisagawa sa mga barangay ng San Jose, San Manuel, Inagawan Sub at Bgy. Iwahig.

Ilan sa mga punong bakawan na naitanim ay ang bakhaw babae, bakhaw lalake, pututan, tabigi, bani, tangal, at mayroon ding ibang puno ulad ng talisay at iba pa. (OCJ/PIA-MIMAROPA)

About the Author

Orlan Jabagat

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch