Tinatalakay ni DILG OccMdo Prov Director Juanito Olave Jr. ang Seal of Good Local Governance (SGLG) sa mga opisyal at kawani ng Abra de Ilog Municipal Government. Ang Good Financial Housekeeping ay isa sa mahahalagang bahagi ng SGLG. (PIO Abra de Ilog)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nakapasa sa mga pamantayan ng Good Financial Housekeeping (GFH) ang Occidental Mindoro gayundin ang 11 munisipyo sa lalawigan, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang GFH ay isang component ng Seal of Good Local Governance (SGLG) na kumikilala sa pagiging hayag o transparent ng isang lokal na pamahalaan (LGU) sa pagpapatupad ng mga programa at paggasta ng pera ng bayan.
Sinabi ni Juanito Olave Jr, Provincial Director ng DILG OccMdo, isa sa mga pangunahing pamantayan upang makapasa sa GFH ang pagsunod sa patakaran ng full disclosure. Aniya, bilang patunay sa malinis na paglilingkod ng LGU, nagsusumite ito sa Full Disclosure Policy Portal ng DILG ng kanyang mga financial transaction at iba pang kailangang dokumento. “Dinadala din ng LGU ang mga nasabing dokumento hanggang sa barangay,” ani Olave.
Ipinaliwanag ng DILG Provincial Director na mahalaga ang GFH sa mga munisipyo dahil ginagamit itong batayan ng mga government financial institutions sa pagbibigay ng tulong at programa, o kaya ay sa pag-apruba ng loan application ng isang LGU. “Limitado ang access sa government programs ng mga munisipyong hindi nakapasa sa Good Financial Housekeeping,” ayon pa kay Olave.
Naniniwala si Olave na ang pagkilala sa isang munisipyo bilang GFH passer ay magsisilbing inspirasyon sa mga LGU upang higit pang pagbutihin ang paglilingkod sa bayan. Ikinatutuwa din ng opisyal na naipakita ng lahat ng bayan sa probinsya ang masidhing pagnanais na magbigay ng tapat at mataas na uri ng paglilingkod. (VND/PIA MIMAROPA)