LUNGSOD QUEZON, (PIA) –Nagsagawa ng Special Assessment Meeting ngayon Martes, Pebrero 14 ang pamunuan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at National Housing Targeting Office (NHTO) sa ilalim ng Department of Social Welfare & Development- NCR upang mapabilis ang pagtatasa ng Listahanan 3 para sa humigit 40,000 pang mga benepisyaryo ng 4Ps NCR na kinakailangang sumailalim sa Household Assessment.
Ang aktibidad ay pinangunahan nina DSWD NCR Regional Director Pinky H. Romualdez, Assistant Secretary for Luzon Affairs Marites M. Maristela, 4Ps National Program Manager Gemma B. Gabuya, at 4Ps NCR Regional Coordinator Leah N. Bautista.
Sa ginanap na pulong, inilatag ang mga istratehiya at hakbang ng DSWD NCR upang mapabilis ang Household Assessment sa iba’t ibang Lungsod sa Metro Manila.
Ang mga datos na nakalap ay gagamitin ng Programa bilang pamantayan upang tukuyin kung karapat-dapat pang manatili o mag-exit na ang mga benepisyaryo sa Programa dahil nakitaan na sila kakayahang mamuhay ng higit sa poverty threshold na itinatakda ng Pamahalaan.
Isa sa mga estratehiyang nabanggit ay pagbubukas ng higit 500 na trabaho katulad ng Enumerators and Encoders na makatutulong ng Programa sa nasabing gawain.
Matatandaan na naging direktiba ito ng DSWD upang palawigin ang mandato nito sa mga benepisyaryo ng 4Ps noong Disyembre 2022.
Inaasahan ng 4Ps NCR na makikipagtulungan ang mga benepisyaryo upang maisagawa nang lubusan ang nasabing Households Assessment sa buong National Capital Region. (dswd ncr/pia-ncr)