LUNGSOD QUEZON, (PIA) – Nakibahagi kahapon, Pebrero 21, 2023 ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isinagawang Walk the Fault activity at Oplan Metro Yakal Plus Orientation kasama ang Office of Civil Defense (OCD), Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), Disaster Risk Reduction and Management Council offices, at iba pang sangay ng pamahalaan ng Quezon City.
Sa isinagawang aktibidad, tinalakay ni OCD Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang mga update sa kaalaman at pagpaplano ukol sa earthquake contingency measures ng pamahalaan.
Sa panig naman ng MMDA, sinabi naman ni MMDA Acting Chair Don Artes na siya ding tumatayong MMDRRMC Chair na magkakaroon ng adjustments sa Metro Manila Shake Drill na isasagawa ng ahensiya ngayong taon.
Ayon kay Artes, bukod sa paghahanda ng pamahalaan, kailangang maging handa ang publiko, lalo na ang mga nasa imprastraktura malapit sa West Valley Fault line, sakaling mangyari ang pinangangambahang 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila o ang "The Big One".
Magkakaroon din aniya ng inventory ng mga imprastraktura sa dinadaanan ng fault line, at tatalakayin din ang paghahanda sa lindol sa susunod na Metro Manila Council (MMC) na binubuo ng 17 alkalde ng National Capital Region at iba pang ahensya ng pamahalaan. (mmda/pia-ncr)