Nagkaloob naman ang alkalde ng P90,000 para paghatian ng anim na mapipiling manlalaro, apat na babae at dalawang lalaki na kakatawan sa Philippine Team sa 23 South East Asian Games o SEA GAMES na gaganapin sa Cambodia.
Nagpasalamat naman si Ting Ledesma, Presidente ng PTTF Inc. sa pagpapaunlak ng Pamahalaang Panglungsod na dito isagawa ang nasabing kompetisyon. Sinabi rin ni Ledesma na magsisilbing dry run rin ang national selection na ito para sa World Table Tennis – Youth Contender ngayong darating na Oktubre.
Sumabak naman sa unang araw ng kompetisyon ang walong manlalaro ng Puerto Princesa na sina Mark Kevin Nadar, Edward Manlapaz, Raul Araez at Kenneth Araez para sa Men’s Division habang nagpasiklab rin ng husay ang mula sa Women’s Division na sina Sitti Riza Calbit, Erna Molina, Jean Anulao at Mary Grace Laapitan na pawang produkto ng grassroots program ng Tagburos Table Tennis Organization (TATTO).
Magtatapos ang PTTF Inc. National Selection sa Sabado, Pebrero 25 kung saan makikilala na ang maaaring magbitbit ng bandila ng Pilipinas sa larong table tennis sa buong South East Asia.
Layon din ng aktibidad na mas mapapalakas pa ang industriya ng sports tourism ng Puerto Princesa.
Katuwang dito ng PTTI ang Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, Palawan State University (PSU) at Puerto Princesa City Table Tennis Club. (OCJ/PIA-MIMAROPA)